Showing posts with label anecdotes. Show all posts
Showing posts with label anecdotes. Show all posts

Monday, October 4

This is a true story.


Sa fx (bakit ba fx pa rin ang tawag sa pampasaherong sasakyan na ito gayong hindi naman ito gawa ng Toyota?) pauwi ng boarding house, may nakasabay akong dalawang babae. Nagkukuwentuhan silang parang limang freshmen students na nasa dyipni lang -- maingay at walang pakialam kung mai-broadcast na sa lahat ang personal life. Ito lang ang gist ng natandaan ko sa usapan nila.

Ate I: Ano ba'ng birthday mo? At saka birthdate? (Uh, ano'ng kaibahan?)
Ate II: (sinabi ang kaarawan pero inaudible)
Ate I: Ah, 6 at 1. Ia-add mo lang 'yung numbers sa birthday. 'Yung 6 ang strong number mo. 'Yung 1 naman ang weakness mo.
Ate II: Ok. Pero sabi ang soulmate ko daw ay Pisces.
Ate I: Sino nagsabi?
Ate II: Sa numerology, nabasa ko. (Ang paniniwala ko lang kapag masmagaling maglaro ng numbers, masmayaman.)
Ate I: Ah, baka. Pwede rin nating gamitin 'yung sa bilang ng pangalan mo.
Ate II: Talaga? Paano?
Ate I: Ano bang whole name mo? Maria Teresa... kaso nasa office 'yung listahan ko e.
Ate II: Ay, ganu'n. Sayang.
Ate I: Di bale, dadalhin ko sa birthday ni kwan.
Ate II: Okay, sige.
Ate I: Hindi ka pa ba talaga nagka-boypren?
Ate II: (sa mahinang boses) Hindi e.
Ate I: Ayos lang 'yan, 'no! 'Yung iba nga singkwenta na nag-aasawa pa. At saka nasa palad mo naman na mag-aasawa ka. Hintayin mo lang. May kakilala nga ako thirty-five na, wala pa ring asawa, pero nagpunta sa ibang bansa, nakapag-asawa pa ng 'Kano. 'Wag ka lang mag-alala. Pero may kakilala din ako na walang marriage line. Pero ikaw, meron naman e.
Ate II: Hindi naman ako masyadong nag-aalala. E ano naman kung wala.
Ate I: Sabagay.
Ate II: Haha, it's their LOST!

Hanep maka-comment ang mga Ate. Sana makahanap na sila the soonest para matigil na ang kanilang kahibangan. Pagkatapos kong matawa, marami pa silang napagkuwentuhan na hindi ko na rin matiis pakinggan. Hindi naman sa sinisiraan ko ang pangit na 'yan... kanta ng Itchyworms sa tenga ko. Humahalo ang usapan nilang magkaibigan sa tugtog sa headset ko at sa ingay sa labas. Maya-maya pa, ang kanta ay: Happy Birthday! Sina Jugs pa rin. At ang saya-saya. Parang ganu'n ang magiging tema ng mga Ate pag hindi nangyari ang hula nila -- nireregaluhan at kinakantahan ng hapibetrdey ang mga sarili. Kaya please lang, pakihanap na lang sila kung interesado kayo. Baka sa SM North sila lagi tumtambay.


Friday, October 1

Ikot






Sa school. Noong unang panahon. Nag-abang ako ng jeepney. Huminto si Manong Drayber. Sumakay ako.

May isang matandang bida. Galing daw siyang probinsya (nalimutan ko na kung saan). Unang salta daw niya sa Maynila. May pupuntahang kamag-anak. Madami siyang dalang kahon at bayong. Pero masayahin si Lola. Kakuwentuhan niya ang mga katabi, kahit siya lang ang nagsasalita buong biyahe at tumatango lang ang mga katabing estudyante. At kahit nasa dulo siya ng sasakyan, sa may puwitan ng jeep, nagkasundo sila ni Manong Drayber na ihinto siya sa destinasyon niya, somewhere in Balara.

Habang papahinto ang dyip sa isang waiting shed at magsasakay ng isa pang pasahero, pinatabi ni Manong Drayber ang mga nakasakay, "Kongitng usog lang po, pampituhan 'yan." Nagsigalaw-galaw naman kaming mga nakasakay na. Kaso hindi pa rin magkakasya ang sasakay. Naiinip na si Manong, tumingin ng masama sa  mga pasahero, naggitgitan pa ng kaunti, at isiniksik ni Ineng ang kanyang pang-upo sa pagitan pa ng ibang puwit. Ayun, sardinas -- a typical dyipni scene. 

Hindi napigilan ni Lola na magbitiw ng komento.

Pampituhan daw, e baka naman para sa pitong payat lang 'yung bilang niya. Paano na kung matataba ang pasahero?

Tinginan kaming mga pasahero.

Honga naman, Manong. Ano ba'ng basehan ninyo nung pitong pasahero? Okay sana ang sinabi ni Lola kung hindi lang may mga kasakay din kaming hindi kapayatan. Tsk tsk, si Lola, may pagka-taklesa. Baka hindi mo matagalan ang Maynila niyan. O ikaw ang hindi mapagtyagaan ng Maynila?


Halikan[a] sa dagat...


Ang lakas lang kasi ng trip ko minsan. Nagpunta ako sa Baler (20-min. ride mula sa amin) minsan, at ako ay mag-isa (as usual) dahil walang
 makaladkad maaya.

Sa daan, nakita kong napakaliwanag ng kalangitan; maaliwalas ang panahon at walang nagbabantang ulan. Pero gaano man kaganda ang mga nadaanan ko, hindi iyon nakuhanan ng kamera ko ng maayos dahil sa 1) moving vehicle, 2) ako'y hamak lamang na nilalang na walang masyadong alam sa potograpiya, 3) nakaka-distract ang mga eksena, 4) ako'y hamak na blah blah blah.




Nang magawa ko na ang pakay ko sa bangko, nagtungo ako na mag-isa sa dagat. Bayan lang kasi namin ang walang dagat sa probinsya. Pero hindi naman ako ganoon kasabik noong una dahil hindi ako ignorante, 'no. Nagpunta ako para makapag-Bay's Inn (isang high-end na kainan sa tabing-dagat, next time na lang ito). Tagal ko ng hinihiritan sila Mama na lumabas at doon kumain, pero laging walang panahon. Kaya nag-solo ako.

Ayun, ang nangyari, nanood lang ako ng mga turistang nagse-surf kunwari at nagpapakyut sa kanilang mga kamera. Habang kumakain ako. Mag-isa. Masaya naman ako kasi kahit walang mga patrons nang mga oras na iyon, natawa ako: sa mga turista. Pucha, ang cellulites nung dalawang nagkakamerahan, nagsasasayaw habang naka-bare ang kanilang mga laman. Ang sarap magtawa. Ang masaklap, masmasarap ang tawa ng mga waiter. Buti na lang hindi dinig dahil mga 20 meters naman ang layo.

Ang sa akin lang naman, kung magmamaganda ka sa isang pampublikong lugar, ilugar mo din naman ang iyong cellulites itsura. Kasi marami akong kilalang chubby pero disenteng tignan kahit magbikini siguro sila sa harap ng madla; hindi sila makakatanggap ng ganoong pang-aalipusta  katulad ng ginawa ko ng mga waiter.





Matapos akong magmerienda at magkape, nagpiktyu-piktyur pa ako ng major-major (tama naman siguro ang gamit). At dahil medyo nakaka-ilang at nakaka-OP maglakad sa tabing-dagat na nag-iisa (dahil sila ay may ka-holding-hands-while-walking at naglalampungan), napilitan akong i-delete ang presensya ko doon. Piniktyuran ko din ang sarili kaso wala talagang pag-asang maging photogenic lalo pa't dumidilim na. Mas-ikinainis ko yata iyon.

Oh, well... Next time mag-iinum naman akong mag-isa para makakain na ulit ng special sisig nila. Kahit walang kasama, makikipagkuwentuhan din ako sa sarili ko para kumpleto sa ambiance. Tapos makikipag-apiran din ako sa sarili ko. Mukhang the next day ay sa asylum ako matatagpuan. Hmmn.