Friday, October 1

Ikot






Sa school. Noong unang panahon. Nag-abang ako ng jeepney. Huminto si Manong Drayber. Sumakay ako.

May isang matandang bida. Galing daw siyang probinsya (nalimutan ko na kung saan). Unang salta daw niya sa Maynila. May pupuntahang kamag-anak. Madami siyang dalang kahon at bayong. Pero masayahin si Lola. Kakuwentuhan niya ang mga katabi, kahit siya lang ang nagsasalita buong biyahe at tumatango lang ang mga katabing estudyante. At kahit nasa dulo siya ng sasakyan, sa may puwitan ng jeep, nagkasundo sila ni Manong Drayber na ihinto siya sa destinasyon niya, somewhere in Balara.

Habang papahinto ang dyip sa isang waiting shed at magsasakay ng isa pang pasahero, pinatabi ni Manong Drayber ang mga nakasakay, "Kongitng usog lang po, pampituhan 'yan." Nagsigalaw-galaw naman kaming mga nakasakay na. Kaso hindi pa rin magkakasya ang sasakay. Naiinip na si Manong, tumingin ng masama sa  mga pasahero, naggitgitan pa ng kaunti, at isiniksik ni Ineng ang kanyang pang-upo sa pagitan pa ng ibang puwit. Ayun, sardinas -- a typical dyipni scene. 

Hindi napigilan ni Lola na magbitiw ng komento.

Pampituhan daw, e baka naman para sa pitong payat lang 'yung bilang niya. Paano na kung matataba ang pasahero?

Tinginan kaming mga pasahero.

Honga naman, Manong. Ano ba'ng basehan ninyo nung pitong pasahero? Okay sana ang sinabi ni Lola kung hindi lang may mga kasakay din kaming hindi kapayatan. Tsk tsk, si Lola, may pagka-taklesa. Baka hindi mo matagalan ang Maynila niyan. O ikaw ang hindi mapagtyagaan ng Maynila?


0 pambabalahura/papuri (sipsip) sa post:

Post a Comment